Pipirma na sa limang taong kasunduan ng importasyon ng bigas ang Pilipinas at Vietnam upang mapanatili ang food security sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., halos tapos na ang draft para sa naturang rice trade agreement ng dalawang bansa.
Tiniyak din sa kasunduan na magsu-supply ng imported rice ang Vietnam sa bansa kahit sa panahon pa ng kalamidad.
Ayon sa kalihim, posible itong lagdaan sa nakatakdang state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Vietnam sa katapusan ng buwan.
Kaugnay nito, noong nakaraang linggo ay may dumating na hindi bababa sa 18, 463 metric tons imported na bigas sa Pilipinas mula sa Thailand, Vietnam at Pakistan.
Simula ngayong buwan hanggang Pebrero ay may karagdagang 495, 000 metric tons na imported rice ang inaasahan sa bansa mula sa Taiwan at India bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa produksiyon ng palay base sa sinabi ni Agriculture officer-in-charge for operations Undersecretary Roger Navarro.

