VIRAL NA MAGKAPATID SA QUEZON, NUEVA ECIJA, NAKAKUHA NG TULONG MATAPOS UMANI NG 7M VIEWS SA FACEBOOK

Umabot na sa higit 7 milyong views ang video ng magkapatid na sina Joycelyn Mallari Carpio (Grade 2) at Adrian Carpio (Grade 1), matapos mag-viral ang kanilang pagtakbo palayo sa isang puting van sa Barangay Doña Lucia, Quezon, Nueva Ecija.

Sa panayam kay Irma Santiago Carpio, lola ng mga bata, sinabi niyang nakaranas ng trauma ang kanyang apong babae noong Grade 1 pa lamang ito matapos na laging abangan ng isang hindi kilalang lalaki sa labas ng kanilang paaralan at bigyan ng tig-₱20.

Dahil dito, palaging pinaaalalahanan ni Carpio ang mga apo na huwag lalapit kaninuman—kaya nang makasalubong nila ang sasakyan ng Konsehal kamakailan, nagpanik ang dalawa at mabilis na tumakbo.

Nilinaw ni Konsehal Patrick na hindi nila intensyong takutin ang mga bata at agad humingi ng paumanhin sa pamilya, nag-abot din sila ng tulong pinansyal para sa magkapatid.

Sinabi ni Carpio na ginamit nila ang pinansyal na tulong upang makabili ng damit, pagkain, at uniporme para sa mga bata, na parehong nag-aaral sa Doña Lucia Elementary School.

Samantala, ibinahagi ni Sarah Del Rosario, uploader ng viral video, na nakalikom na ito ng nasa $100 (mahigit ₱5,000) mula sa Facebook.

Ayon sa kanya, ang buong halaga ay ilalaan para kina Joycelyn at Adrian, gayundin sa isa pang batang benepisyaryo na nangangailangan ng liver transplant.

Natutuwa naman si Carpio dahil nakikinig sa kanya ang kanyang mga apo at talagang nag-iingat para sa kanilang kaligtasan, at ang anumang halaga na matatanggap aniya nila mula sa viral video ay dadalhin sa pagpapagawa ng kanilang bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping yero at goma.

Sa ngayon, ligtas at balik-eskwela na ang magkapatid, ngunit nananatili ang panawagan ng kanilang pamilya na mas paigtingin ang seguridad sa mga paaralan at mensahe nito sa mga bata na tularan dapat nila ang kanyang mga apo na alerto at nag-iingat.