Posible umanong masuspinde o mapawalang-bisa ang business name registration ng isang Takoyaki Store na nag-viral noong April 1 dahil sa kanilang April Fool’s Prank, ayon sa Department of Trade and Industry.
Nagpost ang naturang tindahan ng April Fool’s prank challenge na kung sino ang makakapagpatattoo ng kanilang logo sa noo ay mananalo ng Php100, 000 na premyo, ngunit may isang netizen ang sumeryoso dito at ginawa ang challenge sa pag-aakalang totoo ito.
Dahil dito ay umani ng pangbabatikos ang naturang store at mabilis na kumalat online, kaya naman dumagsa ang tulong mula sa iba’t ibang negosyante para sa pamilya ng netizen na kumasa sa challenge.
Sinabi sa isang panayam ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles na maaaring i-suspend, i-revoke, i-cancel ang business name registration ng store.
Aniya, hindi maaaring gamitin ang opisyal o legitimate na pangalan para hikayating gumawa ng tinawag niyang unlawful act o hindi naaayon sa batas na mga bagay na maaaring makaapekto o makasakit sa kapwa.
Dagdag nito, sa ibang bansa ay isang krimen ang inducing self-harm o pag-uudyok sa pananakit sa sarili at dito sa Pilipinas ay kinakailangan pa aniya nila itong ireview o suriin.
Titingnan aniya ng prosecutors kung ano ang pwedeng ikaso sa tindahan pero sigurado aniya na danyos o posible silang managot dito bilang krimen.
Idinulog na rin ng DTI ang insidenteng ito sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center at sa Meta, ang parent company ng Facebook dahil sa paglabag sa kanilang community standards.
Handa rin daw tumulong ang DTI sa iba pang mga biktima ng mga April Fool’s Day prank ng iba pang mga negosyo.
Wala naman daw planong magsampa ng kaso si Ramil Albano, ang netizen na gumawa ng challenge, matapos na personal siyang puntahan ng may-ari ng naturang store para humingi ng tawad sa kanya at mag-alok ng tulong pinansyal para sa kanila.
Napag-alaman na may anak si Albano na may Down syndrome at nangangailangan ito ng theraphy.
Ngunit marami ring espekulasyon ang lumitaw online at nagsasabing luma na ang tattoo sa noo ni Albano pero pinabulaanan ito ng tattoo artist na nagtatoo sa kanya.
Duda din ang dermatologist na si Dr, Luisa Ticzon Puyat na fresh o bagong gawa lamang ang tattoo nito dahil dapat aniya ay may sugat at namamaga pa ito.
Posible naman daw ayon sa tattoo artist na si Francis Field na may dati nang tattoo sa noo si Albano at pinatungan lamang ng bagong tattoo para magawa ang challenge ng store at sinabi niyang totoo ang tattoo nito.
Totoo man daw o hindi ang tattoo ni Albano, sinabi ng DTI na sana ay maging aral sa mga negosyante at publiko ang insidente dahil mali ang pagpopost ng pang-uudyok na saktan ang sarili kapalit ang pera na hindi naman totoo.
Importante aniya na maging responsable ang mga establisyemento o iba pang negosyo sa pagpopost sa social media dahil marami ang maaaring makabasa nito.

