Viral ang video post ni Lanie Mercado kung saan, habang nasa biyahe sila, ay pinara sila ng magkapatid na lalaki na may bitbit na mga bisikleta.

Pagkahinto nila, nagtanong ang mga bata kung papunta sila sa San Jose City at kung maaari silang makisabay.

Hindi naman daw sira ang kanilang bisikleta, ngunit sobrang pagod na ang mas nakababata kaya hindi na kaya pang magbisikleta pauwi.

Galing pa raw ang magkapatid sa Cabanatuan Cityat ayon sa kanila, marami na silang pinarang sasakyan pero kahit huminto ang ilan, hindi sila nakasakay dahil hindi kasya ang kanilang mga bisikleta.

Dahil sa kabutihang loob ng mag-asawa, pinasakay nila ang dalawang bata hanggang Baloc.

Sa pangalawang video na in-upload ni Lanie, makikitang ibinaba nila ang magkapatid sa Baloc at doon na lamang magbibisikleta ang mga ito pauwing San Jose City.

Hindi naman tumigil sa pagpapasalamat ang dalawang bata sa tulong ng mag-asawa.

Marami ring netizen ang humanga sa kabaitan ng mag-asawa at sa pagiging magalang ng magkapatid, na sa buong pakikipag-usap ay gumagamit ng “po” at “opo.”

Ayon pa sa ilang komento, mahirap daw tanggihan ang ganitong klaseng paghingi ng sakay, na magalang at marunong rumespeto.

Umabot sa 2.3 million views, mahigit 40,000 reactions, at 670 shares ang naunang video, habang ang pangalawa naman ay nasa mahigit 100, 000 views na.