VOTERS’ REGISTRATION PARA SA BARANGAY SK ELECTIONS, MAS PINADALI NG COMELEC

Muling binuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang voters’ registration sa buong bansa nitong Lunes, Oktubre 20, 2025, bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026.

Kaugnay nito, inilunsad rin ng ahensya ang Special Register Anywhere Program (SRAP) sa mga capital towns and HUC (Highly Urbanized Cities).

Alinsunod ito sa COMELEC Resolution No. 11177 na layuning gawing mas madali at maginhawa ang pagpaparehistro ng mga botante saan mang lugar sa bansa.

Pinangunahan ni COMELEC Chairman George Erwin M. Garcia ang paglulunsad ng SRAP sa mga registration sites sa PITX Parañaque, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at Luneta Park, na ginanap noong Oktubre 20 hanggang 21, 2025.

Sinabi ni Garcia, ang galit o pagkadismaya sa mga isyung kinahaharap ng pamahalaan ay hindi dapat maging dahilan upang hindi bumoto.

Kasama rin sa plano ang Special Registration Anytime, kung saan maaaring magparehistro kahit umaga o gabi sa mga piling lugar gaya ng paaralan, unibersidad, tanggapan ng gobyerno, ospital, call centers, at paliparan.

Pinaalalahanan ng COMELEC ang mga mamamayan na isang valid government-issued ID lang ang kailangan sa pagpaparehistro.

Samantala, ang mga lalawigan sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kabilang ang Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, SGA, at Tawi-Tawi ay may hiwalay na iskedyul ng registration mula Mayo 1 hanggang 18, 2026.

Tinatayang 1.4 milyong bagong botante ang target ng COMELEC na mairehistro sa buong bansa.

Hinimok ni Chairman Garcia ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na huwag sayangin ang pagkakataon na maging bahagi ng halalan.