WALONG RICE IMPORTERS, NATUKOY SA NUEVA ECIJA
Sa kabila ng bansag bilang “Rice Granary of the Philippines,” walong kumpanya mula sa Nueva Ecija ang kabilang sa mga lisensyadong rice importers batay sa tala ng National Plant Quarantine Service Division ng Bureau of Plant Industry (as of October 2024).
Kabilang dito ang BBGM Rice Mill and Enterprises Corporation at BMB Import Trading Corporation sa San Jose City; Central Golden Grains Corporation sa Santa Rosa; DSTD Consumer Goods Trading, DWANE Ten Food Products Trading, at Grains of Asia Traders Inc. sa Jaen; MR Rice Mill Corporation sa Llanera; at Vitram Marketing Inc. sa Jaen.
Batay sa datos ng Philippine Import Database, umangkat ang Vitram Marketing ng mahigit 113,000 metric tons ng bigas na nagkakahalaga ng $66 million noong 2024.
Dahil dito, napabilang ang kumpanya sa Top 3 rice importers sa buong bansa.
Ayon sa open letter ng UMANE (Utak Magsasakang Novo Ecijano) Secretary na si Rudy San Antonio Bernardo para sa Department of Agriculture at mga miyembro ng Kongreso, nagiging problema ang pagdagsa ng imported rice lalo na tuwing anihan.
Dahil kasi sa sobrang suplay, bumabagsak ang presyo ng palay at napipilitang ibenta ng mga magsasaka ang kanilang ani sa mababang halaga.
Nanawagan din siya ng reporma sa patakaran sa bigas, kabilang ang pansamantalang import ban tuwing anihan, pagbabalik ng quantitative restrictions, mas mataas na palay support price, mas mahigpit na regulasyon laban sa rice cartel, at mas malaking suporta sa lokal na produksyon at post-harvest facilities.
Hinikayat din niya ang publiko na tangkilikin ang lokal na bigas at ipaglaban ang kapakanan ng mga magsasaka.

