WHITE ORCAS, MGA BAGONG SWIMMING CHAMPIONS NG NUEVA ECIJA
Sa likod ng bawat matagumpay na atleta ay may kwento ng pagsisikap, dedikasyon, at suporta mula sa komunidad at kanilang pamilya.
Tulad ng White Orcas Swimming Team, isang grupo na binubuo ng 30 kabataang manlalangoy na may edad 8 hanggang 16 mula Nueva Ecija na patuloy na nagpapakita ng husay sa larangan ng paglangoy sa kabila ng mga hamon sa kanilang pagsasanay.
Sa kabila ng limitadong oras sa pagsasanay, patuloy na nagbibigay ng karangalan ang White Orcas sa iba’t ibang swimming competitions.
Sa katunayan, noong March 13, 2025, nag-uwi ng parangal ang kanilang mga atleta na sina Khuen Airah Lozano, Elice Rein German, Joannah Keith Rasos, Marikit Daniela Palma, Kara Calimlim, Ma. Mitchelle Balsita, Johann Reese Lumibao, Joseph Garcia, Jhoenie Naife, KJ Endaya, Elizer Wadia, Marc Joshua Cunanan, at Jacob Viesca na nakuha sa “A Heartfelt Swimlebration” na ginanap sa New Clark City Aquatic Center, kung saan lumahok ang higit 800 swimmers mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Una rito, nakipagsagupaan naman sa “Heart Splash Swimming Invitational” noong February 15, 2025, sa Muntinlupa Aquatic Center, sina Khuen Airah Lozano, Joannah Keith Rasos, Elice Rein German, Elizer Wadia, KJ Endaya, Jacob France Viesca, Kara Calimlim, Marikit Daniela Palma, Ma. Mitchelle E. Balsita, Joseph Garcia, at Jhim Viesca kasama ang higit 400 atleta.
Bagaman ipinagmamalaki ni Coach John Kenneth Monnes ang naging performance ng kanilang team, inamin niyang naging malaking hamon ang kakulangan sa training dahil sa limitadong access sa swimming pools at sa oras ng mga bata.
Mabuti na lamang aniya ay libre silang nakakapag-practice sa Olympic-sized swimming pool ng Nueva Ecija Provincial Sports Complex — ang pinaka-angkop na pool para sa training ng mga batang sumasali sa kumpetisyon dahil tama ang sukat nito.
Isa sa mga batang atleta ng White Orcas ay si Khuen Airah Lozano na pangarap na makapasok sa Palarong Pambansa.
Sa murang edad ay nahilig na siya sa paglangoy, nagsimula raw ito nang sumama siya at naimpluwesiyahan ng kanyang kaibigan.
Walang kasing saya naman para kay Juvelyn Lozano, ina ni Khuen, ang makita ang kanyang anak na inaabot ang kanyang pangarap.
Malaki umano ang naitutulong ng swimming sa mga bata, hindi lang sa paghubog ng kanilang talento kundi pati sa disiplina at pag-iwas sa labis na paggamit ng gadgets.
Suportado rin ni Flor Empaynado, ang kanyang apong si Ma. Mitchelle.
Patuloy na kakampay sa agos ng buhay ang White Orcas baon ang pangarap na makakamit ang tagumpay at makapagbigay ng mas maraming karangalan sa lalawigan ng Nueva Ecija.

