WORLD-CLASS PHILIPPINE TENNIS CENTER, ITATAYO SA NEW CLARK CITY

Magkakaroon ng bagong world-class facility sa New Clark City, Tarlac matapos pumirma sa kasunduan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Philippine Tennis Association (PHILTA) para sa pagtatayo ng Philippine Tennis Center.

Nilagdaan ang Memorandum of Understanding noong September 10, 2025 nina BCDA president at CEO Joshua Bingcang at PHILTA secretary general na si Navotas City Mayor John Rey Tiangco.

Ayon sa inilabas na statement ng BCDA, sinabi ni Engr. Bingcang na may inilaang 10 ektaryang lupa para sa Philippine Tennis Center na idinisenyo alinsunod sa international standards.

Layunin umano nitong palakasin ang grassroots program at mabigyan ng mas maayos na pagsasanay ang mga kabataang Pilipino na nais pasukin ang larangan ng tennis.

Sa kasalukuyan, tahanan na rin ng sports ang New Clark City dahil dito nakatayo ang Athletics Stadium na may 20,000 seating capacity at ang Aquatics Center na may world-class swimming at diving pools, na parehong ginagamit sa malalaking national at international competitions.