ZAMBALES, PINAKAMATAAS NA PRODUCER NG NATURAL HYDROGEN GAS SA BUONG MUNDO; MAKALILIKHA NG KURYENTE!

Sa inilabas na pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) na pinamagatang “High Hydrogen Outgassing from an Ophiolite-Hosted Seep in Zambales, Philippines,” naitala ang Nagsasa seep sa San Antonio, Zambales bilang may pinakamataas na natural hydrogen gas sa buong mundo.

Batay sa pag-aaral, tinatayang umaabot sa 808 tons ng natural hydrogen ang nailalabas mula sa seep kada taon, na mas mataas kumpara sa dating highest record na 200 tons sa Albania noong 2024.

Ayon sa isa sa mga writer’s ng research na si Dr. Karmina Aquino, geological chemist mula sa DOST – Philippine Nuclear Research Institute, ang hydrogen mula sa Nagsasa seep ay may kakayahang makalikha ng 12,861 hanggang 15,185 megawatt-hours (MWh) ng enerhiya kada taon, na aniya’y sapat upang matugunan ang hanggang 42% ng power demand sa buong bayan ng San Antonio.

Dagdag pa ni Dr. Aquino, ang ganitong uri ng hydrogen ay natural at hindi naglalabas ng carbon emissions, kaya’t mas ligtas para sa kalikasan kumpara sa hydrogen na mula sa fossil fuels.

Paliwanag pa ni Aquino, ang natural hydrogen o geologic hydrogen ay likas na matatagpuan sa ilalim ng lupa, at nabubuo sa pamamagitan ng water – rock interaction.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang kanyang team sa DOST – Forest Products Research and Development Institute upang makabuo ng gasifier generation system na direktang magko-convert ng hydrogen sa kuryente.