ZERO-BALANCE BILLING, IPINAPATUPAD NA SA 87 DOH HOSPITALS SA BUONG BANSA

Ipinabatid ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na ipinatutupad na ang programang zero-balance billing sa 87 pampublikong ospital sa ilalim ng DOH sa buong bansa. Ito ay bilang pagtugon sa mga binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Lunes.

Batay sa mga pahayag sa post-SONA forum, hindi sakop ng zero-balance billing ang apat na ospital na pag-aari at kontrolado ng pamahalaan o GOCC, gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center.

Ipinaliwanag ni Herbosa na para makinabang sa zero-balance billing, kinakailangang naka-admit ang pasyente sa basic accommodation o ward ng DOH hospital.

“Basta ‘wag lang kayo nasa private, kasi pag nagpunta ka sa private may bayad ‘yung doctor, may bayad ‘yung room. Basta nasa basic accommodation ka ng DOH, bayad na ang bill mo.”

Sa mga GOCC hospital naman, bagamat mas marami itong private rooms, may mga benepisyong maaaring magtakip sa buong gastusin ng pasyente.

Sinimulan ng DOH ang pagpapatupad ng zero-balance billing noong May 14, 2025 mahigit dalawang buwan bago ito nabanggit sa SONA. Bahagi ito ng pinalawak na coverage ng PhilHealth para sa mga pasyente sa pampublikong ospital.

Sa panig ng San Lazaro Hospital, binigyang-linaw ni Dr. Iftizar Nakan Haron na ang tanging hinihingi ng ospital ay PhilHealth ID ng pasyente. Kapag wala pa ito, tutulungan silang makapag-enroll agad. Hindi na rin aniya kailangan ang guarantee letter mula sa alinmang ahensya ng pamahalaan.

Binanggit ng DOH na sasagutin ng PhilHealth ang 100 percent na gastusin ng pasyente habang ito ay naka-confine, kabilang na ang serbisyo sa ospital, kama, gamot at iba pang medical supplies, gayundin ang laboratory tests at mga pangunahing medical procedures.

Para sa mga gamot na wala sa ospital o wala sa listahan ng Philippine National Drug Formulary, sasagutin ito ng hiwalay na pondo ng gobyerno.

Layunin ng programang zero-balance billing na mapawi ang gastusin ng mga pasyente sa pampublikong ospital, lalo na yaong kapos sa kakayahang pinansyal. Isa itong mahalagang hakbang tungo sa mas malawak at pantay na akses sa serbisyong medikal sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Kabilang sa mga DOH hospitals sa ilalim ng Central Luzon Center for Health Development na sakop ng programa ay ang Bataan General Hospital and Medical Center, Joni Villanueva General Hospital,
Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital, at Mariveles Mental Wellness and General Hospital, habang ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center at Talavera General Hospital naman ay mula sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Laking pasasalamat naman ng mga pasyenteng nagpahayag ng kanilang saloobin tungkol sa programa.