Babala! Sensitibong Balita:

Mahigit isang milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam, habang limang suspek ang naaresto sa tatlong magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Central Luzon.

Ayon sa Police Regional Office 3, isinagawa ang mga operasyon sa Olongapo City at Bataan noong Oktubre 12, 2026.

Sa Olongapo City, dalawang hinihinalang high-value individual ang naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Santa Rita. Nasamsam sa kanila ang 61.84 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 420,512 piso.
Habang sa Orani, Bataan, dalawang suspek naman ang naaresto matapos makumpiska ang 51 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 346,800 piso.

Samantala, sa Mariveles, Bataan, isang suspek ang naaresto. Nasamsam dito ang 62 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 421,600 piso.

Narekober din sa operasyon ang isang kalibre .45 na baril, magazine, at dalawang bala.
Sa kabuuan, umabot sa 174.84 gramo ang nakumpiskang hinihinalang shabu, na may tinatayang halagang isang milyon, 188,912 piso.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. Naghahanda rin ng karagdagang kaso sa ilalim ng Republic Act 10591 kaugnay ng nakumpiskang baril.

Ayon sa PRO3, patuloy ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa Central Luzon.