₱3–₱5, DAGDAG NG KAPITOLYO SA PRESYO NG PAGBILI NG PALAY

Lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Nueva Ecija sa programa ng pamahalaang panlalawigan na direktang bumibili ng palay sa mas mataas na presyo kumpara sa mga trader.

Isa si Angelito Mulino ng Talugtug sa mga nakinabang sa programa, at ayon sa kanya, malaking tulong ang pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng palay sa halagang ₱15.00 kada kilo, dahil sa kanilang lugar, umaabot lamang sa ₱7.00 hanggang ₱11.50 ang bentahan sa mga pribadong mamimili.

Aniya, sana ay magpatuloy ang programang ito upang may sumalo sa kanilang ani sa tuwing bumabagsak ang presyo ng palay para kahit paano’y makabawi sila at hindi na malugi.

Samantala, ibinahagi ni Mariano Umali Jr. ng Gapan City na nakaani siya ng 260 cavans mula sa tatlong ektaryang sakahan.

Sa panahon ng kanyang anihan, nasa ₱10.00 hanggang ₱11.00 lamang aniya ang presyo ng palay, kaya’t malaking ginhawa umano ang naidulot ng pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa halagang ₱14.50 kada kilo.

Ganito rin ang pahayag ni Kagawad Nel Patrick Flores ng Barangay Santa Clara, Cuyapo, na nagsabing malaking tulong ang pagbili ng Pamahalaang Panlalawigan sa presyong ₱15.00, lalo na’t sa kanilang lugar ay ₱10.50 hanggang ₱12.00 lamang ang lakaran.

Dagdag pa niya, kahit puno ng pagsubok ang pagsasaka, hindi sila titigil dahil ito ang tanging pinagkukunan nila ng kabuhayan, ngunit panawagan nito sa pamahalaang nasyunal na sana ay bigyang pansin silang mga magsasaka.

Layunin ng Palay Buying Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na matulungan ang mga lokal na magsasaka na makaiwas sa lugi at mabigyan ng patas na kita, sa gitna ng pababang presyo ng palay sa merkado.