Civil Engineers na ang 11 boarders ng landlady sa Albay, matapos makapasa lahat sa September 2026 Civil Engineers Licensure Examination.

Tumira sila sa isang boarding house sa Daraga, Albay, kasama ang kanilang landlady na si Corazon.

Viral sa isang TikTok video ang espesyal na hiling ni Corazon sa kaarawan niya noong June 2026.

Sa halip na personal na kahilingan, ipinagdasal niyang makapasa ang lahat ng kanyang boarders sa pagsusulit.

Ayon umano sa uploader na si Nazer, limang buwan silang nanirahan doon habang naghahanda sa licensure examination.

Bilang pasasalamat, sinorpresa ng mga boarders si Corazon sa kanyang kaarawan.

Nang tanungin tungkol sa kanyang hiling, sinabi niyang, “Makapasa ang mga engineer ko!”

Ayon sa mga ibinahaging detalye, palaging pinaaalalahanan ni Corazon ang mga boarders na pangalagaan ang kanilang kalusugan.

Naghahanda rin siya tuwing may nagdiriwang ng kaarawan sa boarding house.

Bukod dito, regular din umano niyang isinasama sa kanyang mga panalangin ang mga boarders.

Ayon kay Nazer, retiradong nurse si Corazon at maalaga sa mga taong nakatira sa kanyang dormitoryo.

Dahil dito, naging bahagi rin si Corazon ng kanilang paghahanda at paglalakbay tungo sa pagiging mga inhinyero.

Noong Oktubre 2, 2026, inilabas ng Professional Regulation Commission ang resulta ng September 2026 Civil Engineers Licensure Examination.

Sa kabuuang 17,062 examinees, 6,337 ang pumasa. Katumbas ito ng pambansang passing rate na 37.14 porsiyento.

Kabilang sa mga nakapasa ang lahat ng 11 boarders ni Corazon.

Sila ay sina Floyd, Arianne, Christine, Jerome, Gabriel, John Clyde, Nazer, Aleen, Mary Grace, John Cristnard, at Malen.

Samantala, patuloy na kumakalat sa TikTok ang video na umabot na sa mahigit 800,000 views, 200,000 reactions, at 6,000 shares.

Umani rin ito ng positibong komento mula sa mga netizen. Marami ang nagpahayag ng paghanga sa malasakit ng landlady at sa samahang nabuo sa loob ng dormitory.

Para sa 11 bagong civil engineers, hindi lamang naging pansamantalang tirahan ang dormitoryo.

Naging bahagi rin ito ng kanilang pag-abot sa pangarap, kasama ang landlady na naniwala at nagdasal para sa kanilang tagumpay.