SSS, BIGONG MAKOLEKTA ANG HIGIT P92-B KONTRIBUSYON SA MGA EMPLOYER – COA

Bigong makolekta ng Social Security System o SSS ang nasa P93 bilyong piso na premium contributions mula sa mga delinquent employers noong nakalipas na taon.

Batay sa 2022 audit report ng COA, napag-alaman na may 466, 881 employers ang hindi nakapagremit ng kanilang kontribusyon sa ahensiya.

Ang National Capital Region ay may pinakamababang collection rate na mayroong payments na P387.7 million mula sa established collectibles para sa rehiyon na nasa mahigit P64.4 billion.

Sinabi ng COA, alinsunod sa Social Security Act of 2018, hindi dapat maapektuhan ang SSS coverage ng mga empleyado sa pagtanggi ng mga employer na i-remit ang kanilang kontribusyon.

Kaya sa kabila ng mga hindi nakolektang kontribusyon, binigyang-diin ng COA na obligado pa rin umanong magbayad ng SSS ng mga benepisyo ng kanilang mga miyembro. Sa pamamagitan nito, maaaring maapektuhan ang pondo ng ahensiya.

Pinaalalang namang muli ng COA ang mga rekomendasyon nito sa SSS noong nakaraang taon na sundin ang mga alituntunin ng ahensya sa paghawak ng mga pasaway na employer para mapatawan ng legal na aksyon.

Siniguro ng SSS na kanilang susuriin nang mabuti ang status ng mga employer. Kanila ring palalakasin ang koleksiyon at masusing babantayan ang mga employer na pasaway sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado.