TIKTOKER NA NAG-ALAGA SA NAKATALING ASO, UMANI NG PAPURI SA MGA NETIZENS
Nakatanggap ng paghanga mula sa mga netizens ang isang TikToker dahil sa kanyang pag-aalaga at pagkalinga sa isang asong nakita niyang nakatali sa loob ng bakuran ng isang bahay.
Ibinahagi ng isang TikTok user na si _Clauddyyy ang mga video ng kanyang ginawang pagkilos para maalagaan ang kinaaawaan niyang aso na iniwang nakatali, na mabilis na nagviral at umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa online community.
Sa video, makikita si _Clauddyyy na naglalakad papunta sa isang bahay habang may dalang lagayan ng tubig upang painumin ang nakataling aso na nakabilad sa sikat ng araw, hindi makagalaw upang lumilim, nauuhaw at ‘tila napabayaan.
Ibinaba ng uploader ang kanyang kamera dahil narinig niyang may tao sa loob ng bahay at nagkunwari siyang tinatakpan ang kanyang mukha gamit ang kanyang cellphone dahil sa tindi ng init at hinintay niyang matapos uminom ang aso bago siya umalis.
Sa kabila umano ng pahayag ng may-ari na inaalagaan nila ang kanilang aso ay hindi naiwasang mag-aalala ng uploader sa kalagayan ng aso na mukhang pinababayaan umano kahit na may mga kasambahay naman sa loob ng bahay.
Sa isang follow-up na video, napansin nitong wala na ang aso sa dati nitong pwesto at kalaunan ay nalaman niyang pansamantala itong inilipat ng mga may-ari sa bahay ng kapitbahay na kasalukuyang ipinapagawa habang wala sila.
Ipinagpatuloy ng babae ang kanyang pag-aalaga sa aso, at ang kanyang patuloy na pagkalinga sa aso upang masiguro ang kapakanan nito ay umantig sa puso ng maraming netizens.
Nagbibigay-diin sa ginawang pagkilos ng babae ang kahalagahan ng pag-aalaga sa mga hayop at ang epekto ng maaaring gawin ng isang tao para sa kanila.

