Umani ng papuri at paghanga mula sa mga netizen ang isang ina na kinilalang si Nanay Norma Galman matapos niyang ibahagi sa kanyang social media account ang kanyang kwento ng sakripisyo at tagumpay bilang magulang.
Sa kanyang viral na post, ibinahagi ni Nanay Norma ang hirap at tiyaga na kanyang dinaanan upang mapagtapos ang kanyang bunso sa kursong Electrical Engineering, sa kabila ng pagiging kasambahay at labandera.
Ayon sa kanya, kahit minsan ay P75 hanggang P100 lamang ang baon ng kanyang anak, na nag-aaral sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) ay hindi ito naging hadlang upang magpatuloy siya sa pag-aaral.
Buong pagmamalaking inihayag ni Nanay Norma na walang naging daing at nagpatuloy pa rin sa pag-aaral ang kanyang anak na si Ronaldo Galman Jr. sa kabila ng hirap ng buhay.
Ipinahayag din niya ang kanyang labis na kasiyahan at pagmamahal sa anak at sinabing proud siya at mahal na mahal niya ang kanyang bunso
Dahil sa istoryang ito, marami ang naantig at nagpahayag ng suporta sa mag-ina.
ELECTRICAL ENGINEERING, NAITAGUYOD NG INANG KASAMBAHAY, LABANDERA
Ilan sa mga komento ng netizen ay: “Congrats bunso, congrats sa parents, nakaka-proud yan. God bless. Nakakaganda ng ngiti at aliwalas ng mukha, Ate Norma.”
“Congrats ate, nakaka-touch. Sana lahat ng anak ganyan kasipag katulad ng anak mo.”
“Congrats. Yan ang batang gustong makatapos sa pag-aaral at makamit ang nais.”
“Ipasa na lang niya board exam, sana may makatulong sa kanya na makahanap agad ng trabaho. Deserved nilang umasenso sa buhay.”
“You did a great job po mother, congrats to both of you.”
Ang kwento ni Nanay Norma Galman ay patunay na ang walang sawang sakripisyo ng magulang, kapag sinamahan ng sipag at determinasyon ng anak, ay maaaring magbunga ng tagumpay, anumang estado ng buhay ang kinalalagyan.
Umabot na sa mahigit 85, 000 reactions, higit 2, 000 comments at mahigit 2, 000 shares ang post ni Nanay Norma sa Facebook.

