RAPE WITH HOMICIDE CASE: Arestado ang apat na suspek sa rape with homicide case sa Bustos Bulacan sa hot pursuit operation ng mga awtoridad.
Naganap ang operasyon sa Barangay Poblacion noong Abril 21, 2026.
Ayon kay PCPT Heherson M. Zambale, Officer-in-Charge ng Bustos Police Station, iniulat ng tatay ng 16-anyos na biktima na nawawala ito mula Abril 11, 2026. Makalipas ang ilang araw, Abril 18, 2026,nadiskubre ang bangkay ng biktima sa madamong lugar sa Angat River sa Brgy. San Pedro.
Kaya agad nagsagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad batay sa impormasyong mula sa saksi. Napag-alamang kabilang umano ang tatay ng biktima sa mga salarin.
Dahil sa impormasyon ng saksi, unang naaresto ang isang 27-anyos na suspek na residente ng Barangay Poblacion. Itinuro niya ang tatlo pang indibidwal na umano’y kasabwat sa krimen.
Kasunod nito, nagsagawa ang pulisya ng hot pursuit operation Kaya nadakip ang iba pang suspek.
Ang tatlong karagdagang suspek ay may edad 29, 31, at 40 taong gulang na pawang residente ng barangay kung saan naganap ang insidente.
RAPE WITH HOMICIDE CASE, KAKAHARAPIN NG APAT NA SUSPEK
Sa loob ng 48 oras, matagumpay na naisagawa ang operasyon mula nang simulan ang imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Bustos MPS ang apat na suspek habang inihahanda ang kaso.
Haharap sila sa kasong rape with homicide sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City.

