Aprubado na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 22-0 ang bagong panukalang batas na Education Voucher Program.
Ang Senate Bill 1981 o Basic Education Voucher Program Act, na inakda ni Senador Bam Aquino, ay naglalayong mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng educational vouchers sa mga mahihirap na estudyante na kwalipikado upang makapag-enroll sa mga accredited private schools.
Sakop nito ang Kindergarten hanggang Grade 12 at prayoridad dito ang mga mahihirap na estudyante mula sa low-income families, 4Ps beneficiaries, at mga nakatira sa geographically isolated and disadvantaged areas o GIDA.
Kabilang din sa target beneficiaries ang mga katutubo, persons with disabilities, at foster children.
Batay sa datos ng EDCOM II, kulang pa rin ang bansa ng mahigit 165,000 classrooms kaya marami pa ring paaralan ang nakararanas ng overcrowding at shifting classes.
Layunin din ng panukala na palakasin ang access sa dekalidad na edukasyon.
Kasabay nito, pinipigilan ang korapsyon sa pamamagitan ng mga safeguards laban sa “ghost beneficiaries” at iba pang paglabag.
Aprubado na rin sa House of Representatives ang counterpart bill nito at inaasahang daraan na lamang sa bicameral deliberations bago isumite sa Pangulo para maging ganap na batas.

