Albert Ian Delos Santos ang pangalang muling yumanig sa mundo ng weightlifting matapos burahin ang sarili niyang junior world record.
Sa edad na 19, hindi na lamang siya basta kalahok kundi isang weightlifting legend na muling sumusulat ng kasaysayan sa laranagan ng sports.
Laban Albert Ian Delos Santos sa Egypt
Nagpakitang-gilas si Albert Ian Delos Santos sa 2026 International Weightlifting Federation World Junior Championships na ginanap kamakailan sa Ismailia, Egypt.
Dito ay matagumpay niyang binuhat ang 187kg sa Men’s 71kg Clean and Jerk division para sa kanyang ikatlong titulo.
Bukod sa gintong medalya, napanatili rin ng Pinoy lifter ang kanyang dominasyon sa nasabing weight class ngayong taon.
Record ni Albert Ian Delos Santos
Mabilis ang pag-angat ng karera ni Albert Ian Delos Santos simula pa noong nakaraang taon sa Forde, Norway.
Noong Oktubre, unang itinala ng binata ang junior world record matapos makapagtala ng 185kg na buhat.
Pagkatapos nito, sumabak naman siya sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.
Bagama’t silver medal ang kanyang nakuha, muli niyang nireset ang sariling record nang itaas ang bigat na 186kg sa entablado.
Paghahanda Para sa Mga Susunod na Laban
Kilala bilang isang clean and jerk specialist, siniguro muna ni Delos Santos ang titulo sa pamamagitan ng 175kg lift.
Pagkatapos nito, agad siyang tumalon sa 12kg na dagdag upang muling mabasag ang kanyang sariling junior world record.
Bagama’t hindi pinalad sa tangkang 190kg para sa world record sa total, tinapos niya ang laban na may 139-187-326.
Dahil dito, malayo ang kanyang naging agwat na umabot sa 17kg laban sa kanyang mga katunggali sa nasabing division.
Sa ilalim ng gabay ng kanyang coach na si Coach Julius Naranjo at ng kanyang ina at coach na si Diwa Delos Santos, mas lalong tumindi ang kanyang pag-eensayo.
Sa katunayan, paghahandaan na niya ngayon ang Asian Games at ang senior World Championships sa Japan at China.


