Atletang Novo Ecijanong sumabak sa Palarong Pambansa 2026 suportado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Kasalukuyang lumalaban sa 66th Palarong Pambansa 2026 ang 50 miyembro ng kanilang delegasyon na na ginaganap sa lalawigan ng Agusan del Sur.
Ito ay matapos silang pagkalooban ng tig-P5,000 cash allowance ng pamahalaang lokal ng Nueva Ecija bago sumabak sa mga laro.
Ang naturang tulong pinansiyal ay ipinagkaloob sa ilalim ng pamumuno nina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Gov. Gil Raymond “Kuya Lemon” Umali.
Sa pamamagitan ng Nueva Ecija Sports and Youth Development Services Office, personal na nanguna ang Bise Gobernador sa pag-aabot ng ayuda na naglalayong matustusan ang mga kagamitan, gastusin, at personal na allowance ng mga atleta sa buong panahon ng torneo mula Mayo 24 hanggang Mayo 31.
Ang limampung miyembrong ito na nagmula sa iba’t ibang paaralan sa buong Nueva Ecija ay binubuo ng 37 Atletang Novo Ecijano, limang opisyal, apat na coach, isang assistant coach, at tatlong chaperone.
Sila ay kasalukuyang nakikipagpaligsahan sa labing-isang larangan kabilang ang Arnis, Athletics, Taekwondo, Volleyball, Baseball, Paragames, Chess, Badminton, Basketball (Hugot), Gymnastics, at Boxing.
PAMAHALAANG PANLALAWIGAN SUPORTADO ANG MGA ATLETANG NOVO ECIJANONG SUMABAK SA PALARONG PAMBANSA 2026
Kaugnay nito, nagbahagi naman ng magandang balita si Joel Victorino Cruz, ang Division Sports Officer ng DepEd Nueva Ecija.
Ayon sa kanya, pasok na agad sa finals ang pambato ng probinsya sa Gymnastics na nagmula sa Llanera Central School.
Sa larangan naman ng Volleyball Elementary Boys mula sa PeƱaranda Central School, target pa ring makapasok sa quarter finals ng koponan sa kanilang laro ngayong araw, Mayo 28.
Ito ay matapos silang manalo laban sa Cordillera Administrative Region noong Lunes, bagamat kinapos kontra National Capital Region (NCR) kahapon, Mayo 27.
Dagdag pa ni Cruz, patuloy pa ang mga laro ng iba pang atletang Novo Ecijano sa kani-kanilang iskedyul.
Sa kabilang banda, batay sa opisyal na ulat ng Palarong Pambansa 2026 News Updates nitong Mayo 27, ala-una ng hapon, pansamantalang nasa ika-9 na pwesto ang Central Luzon (Region 3) na may hawak na tig-tatlong gold, silver, at bronze medals.
Kasalukuyan namang nanguna sa medal tally ang NCR sa kabuuang 19 delegates na nagpapasiklaban sa palaro na may temang “Unlocking the Future Through Sports.”

