Naglunsad ng malawakang inspeksyon ang mga lokal na pamahalaan sa mga potensyal na free dive sites sa Aurora.
Tatlong araw na binisita ng mga awtoridad kasama ang Aurora Freediving Guides Association ang iba’t-ibang bayan sa probinsya.
DIPACULAO, CASIGURAN, DINALUNGAN, ILAN SA MGA POTENSYAL NA FREE DIVE SITES SA AURORA
Ang unang araw ng inspection ay ginanap sa mga barangay ng Dibutunan at Ditale sa bayan ng Dipaculao.
Maliban dito, tiningnan din ng grupo ang potensyal ng Pamwasan Cove na matatagpuan pa rin sa Dipaculao.
Samantala, sinuri naman sa ikalawang araw ang Casiguran Aurora partikular ang sikat na Dimatbong Reef.
Pagsapit ng ikatlong araw, binisita ng grupo ang Salisay Cove sa Barangay Abuleg, Dinalungan.
Kasabay nito ang pag-inspeksyon sa Barangay Ditawini.
BALER, DUMAAN NA SA HEARING PARA SA REGULASYON SA DIVE SITES SA AURORA
Samantala, nauna nang ininspekyon ang bayan ng Baler.
Kaya kamakailan ay nagkaroon ang lokal na pamahalaan ng Sangguniang Bayan Committee Hearing upang i-update ang kasalukuyang Baler Tourism Code para sa mga bisita.
Ang pangunahing layunin ng talakayan ay ang pagbuo ng mga ordinansang magtataguyod ng ligtas na snorkeling activities at free dive sites sa Aurora.
Bukod dito, binigyang-diin ng komite ang kahalagahan ng marine ecosystem at proteksyon sa kalikasan.
Magiging malaking tulong din umano ang panukala sa kabuhayan ng mga lokal na diving professionals sa lugar.
Payo ng mga awtoridad na mag-book lamang sa mga licensed guides lalo na tuwing may malalakas na alon mula Oktubre hanggang Pebrero.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, mas lalakas ang tourism industry ng buong probinsya dahil sa mas ligtas at maayos na sistema para sa mga turista.

