Isinusulong ngayon ang isang Senate investigation matapos ihain ni Senator Robinhood Padilla ang resolusyon upang masuri ang posibleng naging kapabayaan sa drowning incident sa Aurora.
Layunin ng resolusyon na ito na mahanapan ng malinaw na kasagutan ang pamilya ng dalawang pumanaw na atleta.
Ang mga pumanaw na biktima ay kinilalang sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Si Rene ay ang Palarong Pambansa 2026 Finals MVP, at magde-debut sana sa UAAP Season 89.
Habang si Adili naman ay isang Nigerian student-athlete na naging key contributor ng Blue Eagles noong Season 88.
Matapos ang pagkasawi ng mga biktima, isinailalim sa autopsy ang labi ni Baterbonia.
Sa isang press conference ng Aurora Provincial Police Office, lumabas sa post-mortem examination certificate na asphyxia by drowning ang sanhi ng kanyang pagkasawi.
Pahayag ni Provincial Director Police Colonel Percival Pineda, base sa ulat ay walang nakitang pasa sa katawan ng biktima.
SENATE PROBE INIHAIN PARA SA DROWNING INCIDENT SA AURORA
Samantala, bago iuwi sa Nigeria ang labi ni Adili, humiling ang kanyang pamilya na isailalim din ito sa autopsy.
Nangyari ang insidente noong Lunes habang naglalakad sa seawater ang mga atleta bilang bahagi ng kanilang training activity.
Sa kasamaang palad, nakaranas umano ng malalakas na waves at current ang grupo kaya mabilis na nadala sa malalim na bahagi ng dagat ang mga atleta.
Dahil dito, tumagal ng 30 hanggang 40 minutes ang search operations bago tuluyang natagpuan ang mga biktima.
Bagamat walang foul play ang ulat ng pulisya, patuloy pa ring inaalam kung mayroong negligence o liability sa trahedyang ito.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan para sa pahayag ni Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin sa nangyaring insidente.
Si Baldwin ang nagpasimula ng taunang boot camp na inilarawan ng ilan bilang isang military-style training.
Ilang araw na ang nakalilipas mula nang mangyari ang aksidente ngunit hindi pa rin nagpapakita sa publiko ang coach.
Samantala, matapos ang insidente ay agad na naglabas ng public apology ang Ateneo De Manila University.
Ngunit, sinabi ng ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia na hindi sapat ang apology ng unibersidad.
Hiling ng pamilya ang mas malinaw na eksplanasyon dahil sa kawalan ng maayos na safety protocols bago nangyari ang drowning incident sa Aurora.

