Nilinaw ng Land Transportation Office o LTO na hindi na kukumpiskahin ng mga traffic enforcer ang driver’s license ng mga motoristang mahuhuli sa mga karaniwang traffic violations. Ito ay alinsunod sa Department of Transportation Memorandum Circular No. 2026-001 at LTO Memorandum Circular MVL-2026-4846.
Nabatid rin kay Sherwin Mark P. Donesa, OIC ng Nueva Ecija Licensing Center ng LTO, na saklaw umano ng polisiya ang lahat ng traffic enforcers ng LTO, mga deputized enforcers, traffic enforcers ng mga local government unit, at Highway Patrol Group. Gayunman, ipinaalala ng LTO na hindi nangangahulugang wala nang pananagutan ang mga lumalabag.
Ayon pa kay Donesa, maaaring magpatong-patong ang mga paglabag kapag hindi agad naaayos ang mga naisyung Temporary Operators Permit (TOP). Bawat traffic violation ay may katumbas ding demerit points, at kapag umabot sa 40 demerit points ang isang motorista, maaari nang ma-revoke ang kanyang driver’s license.
Sa huli, hinikayat ni Donesa ang mga motorista na sumunod sa batas-trapiko, magsagawa ng defensive driving, at magbigayan sa kalsada upang maiwasan ang aksidente at mapanatiling malinis ang kanilang rekord sa pagmamaneho.

