Nagkasundo ang Swiss building materials supplier na Holcim Group na ibenta ang unit nito sa Pilipinas sa Huaxin Building Materials ng China.
Dahil sa kasunduang ito, inaasahang makakalikom ang kumpanya ng hindi bababa sa $807 million.
Mga Detalye ng Benta ng Holcim Philippines
Sa Phase 1 o Initial Control, ibebenta muna ang 68% stake ng Holcim Philippines sa halagang $527 million.
Pagkatapos ay unti-unting ibebenta ang natitirang bahagi sa loob ng tatlo hanggang limang taon sa minimum na presyong $280 million.
Inaasahang matatapos ang buong transaksyon sa unang kalahati ng taong 2027.
Bukod dito, ito na ang pinakamalaking divestment ng Holcim mula noong ibenta rin nito ang negosyo sa Nigeria sa Huaxin Cement sa halagang $1 billion noong December 2024.
Gagamitin ng Holcim ang perang makukuha mula sa pagbebenta ng Holcim Philippines upang pondohan ang kanilang mga malalaking acquisition at palaguin ang iba pa nilang negosyo.
Bagong Plano sa Holcim Philippines at Global Expansion
Sa kasalukuyan, mas nakatutok ang kumpanya sa kanilang mga merkado sa Europe, Latin America, North Africa, at Australia.
Aktibo ring sinusuri ng kumpanya ang iba’t-ibang oportunidad sa merkado, partikular sa mga negosyong gumagawa ng walling, flooring solutions, at roofing.
Dahil dito, tiwala ang pamunuan na magpapatuloy ang kanilang malakas na M&A momentum sa ikalawang kalahati ng taon.

