Babala! Sensitibong Balita:
Sumuko sa pulisya sa Santa Maria, Bulacan ang barangay kapitan na itinuturong utak sa pagpatay sa gurong si Stephen Enriquez.
Nangyari ang pagsuko noong August 1 matapos niyang mabalitaang pinangalanan siya ng biktima bago ito pumanaw.
Ayon sa pulisya, binaril si Enriquez madaling-araw ng July 30 sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Poblacion.
Kakababa pa lamang umano ng biktima sa kanyang sasakyan nang lapitan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Agad na tumakas ang gunman matapos ang pamamaril habang isinugod naman sa ospital ang biktima.
BARANGAY KAPITAN, ITINURONG MASTERMIND SA PAGPASLANG NG GURO
Bago tuluyang pumanaw, nakapag-iwan si Enriquez ng video-recorded dying declaration na nagsilbing mahalagang bahagi ng imbestigasyon.
Sa naturang pahayag, pinangalanan niya ang isang nakaupong barangay kapitan na umano’y nag-utos sa pag-atake.
Si Enriquez ay isang pampublikong guro, dating barangay secretary, at campaign manager ng kandidatong barangay kapitan.
Inihahanda na ngayon ng Bulacan Police ang mga ebidensya para sa kasong murder laban sa sumukong opisyal.
Isasampa ang reklamo sa Bulacan Provincial Prosecutor’s Office sa Lungsod ng Malolos.
Samantala, nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mismong gunman na bumaril sa biktima.

