Unti-unti nang nababawasan ang perwisyo sa Subic Bay Freeport matapos idispatya ng Bureau of Customs ang apat pang karagdagang container ng mga expired agricultural products sa Subic.
Dahil dito, umabot na sa 25 mula sa 118 priority containers ang naidispatya.
Ayon sa pahayag ng Bureau of Customs – Port of Subic, ang mga overstaying containers na ito ay naglalaman ng mga seized at abandoned na assorted agricultural at processed products mula pa noong mga nakaraang taon.
Dahil sa matagal na pagkakaimbak, nabulok ang nilalaman ng mga container at naglabas ito ng masangsang na amoy.
Bukod sa perwisyo sa amoy, nagdudulot din ito ng matinding banta sa kalusugan at kalikasan sa loob ng Freeport.
Dahil dito, nagprotesta ang mga locators at humiling na tanggalin agad ang mga container para sa kaligtasan ng lahat.
Gayunpaman, ipinaliwanag ng pamunuan ng Freeport na hindi pwedeng madaliin ang proseso ng pagtatapon ng mga natitirang containers.
Kailangan umanong sundin ang tamang proseso at kumpletuhin ang mga legal na dokumento para sa ligtas na pagtatapon ng basura.
Bukod pa rito, nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga accredited waste management service providers para sa tamang disposisyon.

