Humarap sa Sandiganbayan Second Division si Tarlac Rep. Noel Rivera para sa kanyang arraignment o pormal na pagbasa ng mga kaso, matapos mag-piyansa para sa 9 counts ng graft.
Umabot sa kabuuang P810,000 ang inihain na piyansa ng mambabatas sa magkakahiwalay na division ng anti-graft court upang pansamantalang makalaya habang dinidinig ang mga kaso.
OMBUDSMAN, NAGHAIN NG KASO LABAN KAY TARLAC REP. NOEL RIVERA DAHIL SA CONFLICT OF INTEREST
Matatandaan na inihain ng Office of the Ombudsman ang mga kaso laban kay Rivera dahil sa umano’y conflict of interest sa mga infrastructure at flood control projects ng gobyerno.
Lumabas sa preliminary investigation ng Ombudsman na may mga government contracts na napunta sa mga kumpanyang may direct connection o beneficial interest sa mambabatas.
TARLAC 3-G CONSTRUCTION, PAGMAMAY-ARI UMANO NI TARLAC REP. NOEL RIVERA
Tinukoy sa imbestigasyon ang Tarlac 3-G Construction & Development Corp., na umano’y pagmamay-ari ni Rivera at ng kanyang asawa na si Concepcion Vice Mayor Evelyn Rivera.
Dahil sa pagkuha ng mga naturang kontrata habang nakaupo sa pwesto, lumalabas na may posibleng paglabag ang mambabatas sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
MAMBABATAS, MANANATILING INOSENTE HABANG DINIDINIG ANG KASO
Sa ilalim ng batas, ang paghahain ng kaso ng Ombudsman at ang pagsailalim sa arraignment ay hindi nangangahulugang guilty agad ang isang public official.
Mananatiling inosente si Rivera sa mata ng batas hangga’t walang final judgment mula sa Sandiganbayan.

