Sa unang bungad ng pagsikat ng haring-araw, habang nagsisimula pa lamang ang maraming tao sa kanilang araw, si tatay Ferdie Santos ay nakapaghanda na para sa isa na namang pag-iikot sa lansangan.
Sa loob ng 37 taon, taho ang naging pangunahing hanapbuhay ni tatay Ferdie upang maitaguyod ang kanyang pamilya.
Hindi naging madali ang kanyang hanapbuhay, lalo na kapag malakas ang ulan na naglilimita sa kanyang pag-iikot at nakaaapekto sa kanyang kita.
Sa kabila nito, hindi naging dahilan ang mga pagsubok upang tuluyang bitawan ni tatay Ferdie ang kanyang hanapbuhay.
Sa halip, ipinagpatuloy niya ang araw-araw na paglalako, dala ang hangaring matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Makalipas ang ilang dekada, naging bunga ng kanyang mahabang pagtitiyaga ang pagkakapagtapos sa kolehiyo ng dalawa niyang anak.
SA BAWAT TAKAL NG TAHO, 37 TAON NG PAGSISIKAP AT SAKRIPISYO NG ISANG AMA PARA SA PAMILYA
Para kay tatay Ferdie, higit pa sa pagkita ng pera ang kanyang 37-taong pagtitinda ng taho dahil naging bahagi ito ng pag-abot sa pangarap ng kanyang pamilya.
Sa paglipas ng mga taon, natutunan na rin niya ang pagluluto at paggawa ng taho, kaya nakikita niyang maaari rin itong maging puhunan para sa sariling negosyo kung magkakaroon ng sapat na kapital.
Sa kabila ng mahabang panahong ginugol niya sa lansangan, nananatili ang kanyang hangaring mapalago pa ang kanyang natutunan sa paggawa ng taho.
Sa bawat pag-iikot ni tatay Ferdie, hindi lamang taho ang kanyang dala kundi kuwento ng 37 taon ng sipag at tiyaga. Sa bawat takal, bitbit niya ang marangal na paghahanapbuhay na naging daan upang maitaguyod ang kanyang pamilya at mapagtapos ang kanyang mga anak.

