BABAE, NAKATANGGAP NG SAGOT MULA SA INAPLAYANG TRABAHO MAKALIPAS ANG 48 TAON
Sa mga job interview, madalas sabihin ng mga prospective employer sa mga aplikante na tatawagan na lamang sila o makatatanggap sila ng update pagkalipas ng isa o dalawang linggo, ngunit kadalasan ay hindi na iyon nangyayari.
Pero para sa isang aplikante na si Tizi Hodson, mula sa Gedney Hill sa Lincolnshire, na nag-apply ng trabaho noong dekada sitenta, mas mabuti na ang huli kaysa sa wala, dahil sa wakas ang matagal na niyang hinihintay na sagot ay dumating na pagkalipas ng apat na pu’t walong taon.
Ayon sa ulat ang pitumpong taong gulang na si Hodson ay nagpadala ng aplikasyon para maging motorcycle stunt rider sa pamamagitan ng sulat noong Enero 1976.
Sa mga sumunod na taon ay hindi nasagot ang aplikasyon ni Hodson at napag-alaman na natagpuan ito sa likod ng isang drawer sa post office.
Naibalik kay Hodson ang kanyang liham ng aplikasyon na may sulat kamay na “Late delivery by Staines Post Office. Found behind a draw. Only about 50 years late.”
Sa panayam sa kanya, inihayag nito ang kanyang pagkamangha sa misteryo kung paano at sino ang nagbalik ng liham sa kanya, dahil mahigit limampong beses na aniya siyang lumipat ng bahay, apat o limang beses pang nagpalipat-lipat ng bansa.
Sa araw-araw na paghihintay na wala namang nakuhang tugon ay nadismaya aniya siya dahil gustong-gusto talaga niyang maging motorcycle stunt rider.
Dahil sa kawalan ng balita, nagsimula siyang maghanap ng ibang trabaho.
Lumipat siya sa Africa at naging isang snake handler at horse whisperer, kalaunan, natutunan niyang magpalipad ng eroplano at naging aerobatic pilot at flying instructor.

