Isang buntis ang ligtas na nanganak sa loob ng police mobile sa gitna ng baha sa Meycauayan City, Bulacan.
Nangyari ito bandang ala-una ng madaling-araw noong Agosto 30 sa Barangay Banga.
MGA PULIS, TINULUNGANG MANGANAK ANG BUNTIS SA GITNA NG BAHA
Kasalukuyang nagsasagawa noon ng traffic assistance at monitoring ang mga pulis dahil sa pagbaha.
Nang dumating ang isang lalaki at humingi ng tulong para sa kaniyang asawang malapit nang manganak.
Dahil mataas ang tubig at walang ibang masasakyan, agad isinakay ng mga pulis ang mag-asawa.
Patungo na sila sa ospital nang tuluyang mag-labor ang babae habang nasa biyahe.
Dahil dito, agad siyang tinulungang manganak ng mga pulis at kaniyang asawa sa loob ng police vehicle.
Ligtas namang naipanganak ang sanggol bago sila nakarating sa ospital.
Pagdating doon, agad na nabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal ang mag-ina.
Kapwa sila iniulat na ligtas at nasa maayos na kondisyon.
Samantala, pinuri ni PLTCOL Melvin M. Florida Jr. ang mga rumespondeng pulis.
Ayon sa hepe, ipinakita ng mga ito ang mabilis na pagtugon at dedikasyon sa tungkulin.

