Batang babae sa Isabela, viral sa social media matapos makuhanan ng video habang nagtatampisaw sa maputik na bukirin sa Gomez, San Isidro, Isabela.

Ibinahagi ni Pamela Cruda Arciaga ang video na umabot na sa 15 milyong views sa Facebook.

Makikita rito ang isang babaeng tila hindi alam kung matatawa o magagalit sa nasaksihan.

Sa video, makikitang nakalublob sa tubig at putik ang dalawang taong gulang na bata.

Abala ito sa paglalaro habang nasa gitna ng bagong ararong bukirin.

Kalaunan, nilapitan siya ng isang babae na lumusong sa bukid upang sunduin siya. Ang babae ay ang mismong ina ng bata na pilit siyang pinapaahon.

Gayunman, nagtatakbo pa ang bata habang sumisigaw ng “Swimming!”

Tila inakala ng bata na swimming pool ang bukirin dahil sa tubig na naipon dito. Ayon sa ibinahaging kuwento, likas din umanong makulit ang bata.

Dahil dito, maraming netizens ang naaliw sa tagpo ng mag-ina. May ilan pang nagbiro na maaaring maging masipag sa bukid ang bata paglaki niya.

Samantala, sinabi naman ng iba na nasulit ng bata ang kaniyang pagkabata.

May ilan ding nakarelate sa pangyayari dahil naalala nila ang kanilang sariling karanasan noong bata pa sila.

Patuloy na umaakit ng atensyon sa social media ang video ng bata habang nagtatampisaw sa bukid.

Umabot na rin ang video sa mahigit 32,000 shares sa Facebook at patuloy pa ang pagdami ng views at positive comments nito online.