Panibagong milestone sa sektor ng kalusugan ang naitala sa Nueva Ecija matapos manguna ang bayan ng Talugtug sa pagpapatupad ng Universal Health Care Integration sa buong lalawigan.

Layunin ng hakbang na ito na magbigay ng mas mabilis, maayos, at equitable na healthcare service para sa bawat mamamayan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11223, pinag-iisa nito ang mga lokal na departamento ng kalusugan at national insurance upang tuluyang alisin ang mga balakid sa pagitan ng mga local health clinic at malalaking ospital.

Sa pamamagitan ng pagsasama ng pondo at resources ng lalawigan at munisipalidad, makatatanggap ang mga pasyente ng tuloy-tuloy na gamutan nang hindi nabibigatan sa mataas na out-of-pocket medical expenses.

Sa ginanap na Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at Lokal na Pamahalaan ng Talugtug, ipinaliwanag ni Provincial Administrator Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro ang kahalagahan ng kaganapang ito.

Aniya, ang pagpasok ng Talugtug sa Provincial Health Board ay magbubukas ng mas malawak at mas modernong health coverage para sa lahat ng mamamayan.

Dahil mayroon nang official seat at boses ang bayan sa Provincial Health Board, mas mabilis at mas madali nang maipahahayag ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga pangangailangang medikal sa pamahalaang lalawigan.

Ayon kay Municipal Health Officer Dra. Dollie Dahlia Prado, malaking tulong ito upang agarang matugunan ang mga kakulangan sa pasilidad at gamot sa kanilang lugar.

Samantala, taos-pusong nagpasalamat si Mayor Pacifico B. Monta sa Kapitolyo sa ilalim ng pamumuno nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Gil Raymond Umali, at sa Provincial Health Office dahil sa pagbibigay ng pagkakataon na mauna ang kanilang bayan sa programa.

Dahil sa mga benepisyong maihahatid nito sa mamamayan, nanawagan din ang alkalde sa iba pang mga munisipalidad sa Nueva Ecija na simulan na rin ang proseso ng integration.

Binigyang-diin naman ni Governor Aurelio Umali na ang pirmahan ay simula pa lamang ng tunay na obligasyon ng pamahalaan sa taumbayan.

Tinitiyak ng pamahalaang panlalawigan na magtutulungan ang bawat LGU upang maramdaman ng bawat Novo Ecijano ang may malasakit at accessible na serbisyong pangkalusugan sa buong lalawigan.