Tatlong koponan ang umabante sa semifinals ng PGNE Developmental Basketball League 2026 matapos magwagi sa knockout games na ginanap sa NEUST Sumacab, Cabanatuan City.

Sa unang knockout game, nanaig ang Cabiao laban sa San Antonio, 72-57.

Maganda ang ipinakita ng dalawang koponan sa buong laro. Gayunman, naging mas matatag ang Cabiao sa mga mahahalagang bahagi ng laban hanggang sa tuluyang makuha ang panalo.

Itinanghal na Best Player of the Game si jersey number 0 Santos. Nagtala siya ng 10 puntos, apat na rebounds, apat na assists at anim na steals.

Sa ikalawang laro, ipinakita naman ng Cabanatuan City ang matibay nitong depensa kontra San Leonardo.

Nagtapos ang laban sa iskor na 99-66 pabor sa Cabanatuan City. Mula sa simula ng laro ay nakontrol nito ang takbo ng laban at hindi na nakabawi ang San Leonardo.

Best Player of the Game si jersey number 12 Luna. Nagtala siya ng 12 puntos, 13 rebounds, dalawang assists, anim na steals at anim na blocks.

Sa huling knockout game, nagharap ang San Isidro at San Jose City II.
Mas naging dikit ang laban kumpara sa naunang dalawang laro.

Gayunman, nakahanap ng pagkakataon ang San Isidro upang makuha ang kalamangan at tapusin ang laro sa iskor na 75-62.

Nanguna para sa San Isidro si jersey number 6 Palon, na itinanghal na Best Player of the Game. Nagtala siya ng 15 puntos, siyam na rebounds, apat na assists, isang steal at dalawang blocks.

Matapos ang knockout games, nakakuha ng puwesto sa semifinals ang Cabiao, Cabanatuan City at San Isidro.

Magsisimula ang semifinals sa Oktubre 9, 2026. Unang maghaharap ang San Isidro at Cabiao sa ganap na alas-7:00 ng gabi sa San Bartolome Gym sa Poblacion, San Leonardo, Nueva Ecija.

Isinasagawa ang PGNE Developmental Basketball League sa pangunguna nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Lemon Umali, katuwang sina dating Governor Cherry Umali at dating Vice Governor Doc Anthony Umali sa pamamagitan ng Kaibigan ni Doc Sports Program.