Dapat Bantayan ang Pag inom at Epekto ng Kape
Ang epekto ng kape ay nagiging seryoso sa ating kalusugan kapag labis na ang pagkonsumo nito sa araw-araw na buhay. Bagaman hindi lamang kape ang may caffeine, ito ang inumin na paborito ng maraming Pilipino. Dahil sa matinding puyat at trabaho, bahagi na ito ng kultura ng mga Pilipino sa umaga, tanghali, at gabi. Ito ang ating sandigan para maging alerto sa trabaho o para gisingin ang diwa sa umaga. Ngunit, sa kabila ng sarap at tulong nito sa enerhiya, may kaakibat itong panganib kapag hindi nakontrol ang pag-inom.
Mga Sintomas at Epekto ng Kape sa Kalusugan
Ang malalang epekto ng kape ay kinabibilangan ng mabilis na pagtibok ng puso, pagkahilo, matinding kaba, at madalas na pagpapawis. Bukod dito, ang American Heart Association ay nagbabala sa artikulong Caffeine and Heart Disease, na ang labis na caffeine ay nagpapataas ng blood pressure at nagdudulot ng arrhythmia. Ang arrhythmia ay isang kondisyon kung saan hindi regular o hindi normal ang tibok ng puso. Ayon sa Mayo Clinic, maaari ring makaranas ng insomnia at matinding pananakit ng tiyan ang mga taong madalas uminom ng kape. Sa kabilang banda, ang regular na pag-check sa caffeine intake ay makakatulong upang maiwasan ang mga ganitong seryosong komplikasyon.
Gabay sa Mas Ligtas na Pagkonsumo
Hindi naman kailangang tuluyang itigil ang pagkakape, ngunit susi ang moderation upang maiwasan ang malalang epekto ng kape sa ating kalusugan. Ayon sa FDA narito ang tips para maiwasan ang mga negatibong dulot nito habang tinatamasa ang sarap ng iyong paboritong inumin:
- Limitahan ang Pag-inom: Sundin ang rekomendasyon na hindi hihigit sa 3-4 na tasa ng kape bawat araw.
- Iwasan sa Gabi: Huwag uminom ng kape anim na oras bago matulog upang makapagpahinga nang maayos.
- Natural na Lakas: Sa halip na kape, uminom ng maraming tubig, tsaa, o mag-ehersisyo para sa natural na energy boost.
- Makinig sa Katawan: Kung nakakaramdam na ng kaba, itigil muna ang pag-inom upang maiwasan ang palpitations.
Ang pag-aalaga sa puso ay nagsisimula sa matalinong pagpili ng ating kinakain at iniinom para sa mas mahabang buhay. Sa huli, ang pagkontrol sa intake ng caffeine ay susi upang tamasahin ang sarap ng kape nang walang inaalalang masamang epekto nito.

