Nakarating na sa Vancouver, Canada ang unang shipment ng carabao mangoes na may timbang na isang metric ton.
Umalis noong September 18 sa airport ang 250 na karton ng prutas gamit ang tulong ng Air Canada.
Naging posible ang proyektong ito sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry, at mga pribadong sektor sa Pilipinas at Canada.
CARABAO MANGOES, DATI NANG KINILALA NG GUINNESS WORLD RECORDS
Kilala ang Zambales bilang isa sa mga pangunahing lalawigan na nagpo-produce ng mga de-kalidad na carabao mangoes.
Sikat ang nasabing prutas sa buong mundo dahil kinilala ito ng Guinness World Records noong 1995 bilang world’s sweetest mango.
PAG-EXPORT SA CARABAO MANGOES, MAKAKATULONG SA MGA LOKAL NA MAGSASAKA
Ayon sa DA press release, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na malaki ang maitutulong ng bagong export na ito upang mas mapataas pa ang kita ng mga lokal na magsasaka.
Binabantayan din umano ng Bureau of Plant Industry ang mga disease concerns upang mapalakas ang plant health measures na kinakailangan sa mga pamantayan sa ibang bansa.
MAGANDANG KALIDAD NG CARABAO MANGOES, KAILANGAN MAPANATILI
Kailangan aniyang mapanatili ang magandang kalidad ng prutas at ang murang bayad sa kargamento para sa tuluy-tuloy na pag-export.
Kung magpapatuloy ang magandang kalakalan, inaasahang magiging permanenteng mamimili ng carabao mangoes ang bansang Canada.

