Naglagak ng kabuuang P270,000 na piyansa si dating Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa Sandiganbayan.
Ito ay matapos siyang kasuhan ng Office of the Ombudsman ng three counts ng graft kaugnay ng umano’y conflict of interest sa mga kontrata sa flood control.
KUMPANYA NG PAMILYA NI DONG GONZALES, NAKATANGGAP NG KONTRATA SA FLOOD CONTROL PROJECTS
Nagbayad si Dong Gonzales ng P90,000 para sa bawat kaso sa Second, Third, at Seventh Divisions ng Sandiganbayan.
Nag-ugat ang mga kaso sa family company na A.D. Gonzales Jr. Construction and Trading Company Inc. (ADG Construction).
Nakatanggap umano ang naturang kumpanya ng bilyun-bilyong pisong kontrata para sa mga proyektong pang-flood control sa kanyang distrito habang siya ay nanunungkulan.
DONG GONZALES, ITINANGGI ANG KASONG KINASASANGKUTAN NIYA
Itinanggi naman ng dating House Senior Deputy Speaker ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.
Iginigiit niya na nag-divest na siya sa naturang kumpanya bago pa man ang mga kontrata.
Dagdag pa niya, ang kanyang mga anak at kapamilya na ang kasalukuyang nagpapatakbo sa ADG Construction.
Binigyang-diin din ng dating kongresista na pulitika lamang ang tunay na dahilan sa likod ng mga isinampang reklamo laban sa kanya.

