Pinili ng isang 46-year-old na dating rebelde sa Aurora na iwanan ang armadong pakikibaka at kusang-loob na sumuko sa pamahalaan.
Si alyas “Balong” ay dating kasapi ng armadong grupo na nag-ooperate sa mga kabundukan ng bayan ng Dilasag.
Gayunpaman, pinili niyang sumuko upang muling makasama ang kanyang pamilya.
PAMAHALAAN, PATULOY NA TUTULONG SA DATING REBELDE SA AURORA
Kaya naman, sa kasalukuyan ay patuloy na nagbibigay ng tulong ang pamahalaan para sa kanyang pagbabagong-buhay.
Matapos ang kanyang pagsuko, naglunsad ng follow-up intelligence operation ang militar na nagbunga ng pagkakadiskubre sa dalawang M14 rifle at isang magazine sa lugar.
PAGSUKO NG MGA DATING REBELDE, ISA SA MGA HAKBANG TUNGO SA KAPAYAPAAN
Sa press release ng 91st Infantry “Sinagtala” Battalion, 7ID, Philippine Army, sinabi ni Lt. Col. Michelangelo Ramirez na ang pagbabalik-loob ng bawat dating rebelde sa Aurora ay isang malaking hakbang para sa kapayapaan.
Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng militar at ng lokal na pamahalaan ang iba pang mga kasapi ng Communist Terrorist Group na magbalik-loob na sa batas upang maitaguyod ang kaunlaran at kapayapaan sa buong bansa.

