BABALA! Sensitibong Balita

Mariing kinondena ng mga lokal na opisyal sa Pampanga ang kamakailang insidente ng animal cruelty sa loob ng isang paaralan.

Naitala ang insidente sa Systems Plus College Foundation na matatagpuan sa Angeles City.

Batay sa mga posts ng Noah’s Ark Dog and Cat Shelter, pinagpapalo umano ang isang aso ng dalawang kawani ng eskwelahan.

Ipinasok at isiniksik pa umano ang duguang aso sa loob ng isang drum matapos itong bugbugin.

Itinuturong nanakit sa hayop ang isang janitress at ang mismong Dean ng Criminology sa naturang paaralan.

Dahil sa pangyayaring ito, agad na nagtungo ang rescue group sa himpilan ng pulisya upang maghain ng reklamo.

Humihingi rin ang grupo at Animal Kingdom Foundation ng tulong sa mga estudyante upang magsilbing saksi sa ginawang pananakit sa hayop.

Samantala, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa barangay at sa pamunuan ng eskwelahan para sa legal action.

Naglabas na rin ng pahayag si Pampanga 1st District Representative Congressman Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. kaugnay sa insidente.

Kinondena ng mambabatas ang ginawang pananakit at sinabing walang lugar ang ganitong marahas na aksyon sa lipunan.

Nanawagan din siya sa pulisya na magpatupad ng mas malalim na imbestigasyon upang mapanagot agad ang mga may sala sa batas.

Binigyang diin din niya na dapat patawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang lumabag sa probisyon ng Animal Welfare Act.