Drone strike sa UAE ang naging dahilan ng sunog malapit sa Barakah Nuclear Power Plant sa Abu Dhabi, United Arab Emirates. Ayon sa Ministry of Defence ng bansa, tatlong drone ang pumasok mula sa direksyon ng kanilang western border.
Dalawa sa mga ito ang matagumpay na na-intercept ng kanilang militar. Gayunpaman, ang ikatlong drone ay tumama sa isang electrical generator sa labas ng inner perimeter ng natueang planta.
Pansamantalang nagdulot ito ng sunog, ngunit agad ding naapula ng mga awtoridad.
Nilinaw ng mga lokal na opisyal na walang naiulat na nasugatan sa insidente.
Bukod dito, ligtas at normal ang radiological safety levels sa lugar.
Imbestigasyon sa drone strike sa UAE
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga opisyal para malaman kung saan nanggaling ang mga sumalakay na drone.
Tinawag ng Foreign Ministry ang insidente na isang mapanganib na eskalasyon at paglabag sa international law.
Matatandaang unang pinaratangan ng bansa ang Iran sa mga nakaraang atake sa kanilang energy infrastructure.
Samantala, sinabi ng Abu Dhabi Media Office na gumagana pa rin nang normal ang nuclear facility ngayon.
Nagpatupad na rin sila ng mga karagdagang precautionary measures para sa seguridad.
Reaksyon ng IAEA sa drone strike sa UAE
Nagpahayag naman ng matinding pagkabahala si Rafael Grossi na direktor ng International Atomic Energy Agency o IAEA.
Binigyang-diin niya na hindi katanggap-tanggap ang anumang aktibidad ng militar na nagbabanta sa nuclear safety.
Dahil dito, nanawagan ang UN nuclear watchdog ng maximum military restraint sa lahat ng kampo.
Sa parehong araw, hinarang din ng Saudi Arabia ang tatlong drone mula sa airspace ng Iraq.
Nagsimula ang mga pag-atake ng Tehran matapos silang salakayin ng Amerika at Israel noong Pebrero.
Sitwasyon ng giyera sa rehiyon
Inakusahan ng Iran ang UAE sa pagpapahintulot sa Amerika na gamitin ang kanilang teritoryo para sa mga pag-atake.
Todo-tanggi naman ang UAE sa mga paratang na ito ng Iran.
Bagaman nagkaroon ng ceasefire noong Abril, patuloy pa rin ang mga palitan ng putok sa rehiyon.
Ayon kay President Donald Trump, ang kasunduan ay kasalukuyang nasa “massive life support.”

