Nilinaw ng Philippine Postal Corporation na hindi na kailangan ng umiiral na valid ID para makakuha ng Postal ID.
Isinagawa ang paalala upang ituwid ang maling akala ng publiko na kailangan pa ng ibang opisyal na dokumento.
Layunin nitong mas mapadali ang pagpapatunay ng pagkakakilanlan ng mga Pilipinong kukuha pa lamang ng unang opisyal na ID.
PAGKUHA NG POSTAL ID, HINDI NA HINAHANAPAN NG IBANG GOV’T ID
Kailangan lamang magsumite ng Birth Certificate, Barangay Certificate o katibayan ng tirahan, at ang mismong pormularyo sa pag-apply.
Tinatanggap din bilang patunay ng tirahan ang mga resibo sa kuryente, tubig, o internet na nakapangalan sa aplikante.
Dahil dito, mas mabilis at mas madali nang nakakakuha ng opisyal na dokumento ang mga residente sa bansa.
Kabilang sa mga nakinabang ang estudyanteng si Ehryl Nicolas mula sa Wesleyan University-Philippines para sa kanyang mga kinakailangang papeles.
Gagamitin niya ang nasabing kard para sa pagkuha ng kanyang board exam at lisensya sa pagmamaneho.
Ayon sa kanya, malaking tulong ang mabilis na proseso at ang Rush ID service sa Santa Rosa, Nueva Ecija.
POSTAL ID: MALAKING TULONG SA MGA FIRST-TIME APPLICANTS AT JOB SEEKERS
Inaasahang malaking tulong ang panuntunang ito sa mga estudyante, job seekers, senior citizens, at iba pang mamamayan.
Magagamit ang nasabing dokumento sa pagbubukas ng bank account, pag-apply ng pasaporte, at iba pang opisyal na transaksyon.

