Nasamsam ng mga pulis ang halos ₱49 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo sa Mabalacat City, Pampanga.

Nangyari ang operasyon noong Lunes, September 7, matapos harangin ang isang wing van sa MacArthur Highway.

Ayon sa Police Regional Office 3, apat na katao ang naaresto sa isinagawang operasyon. Nakita sa loob ng van ang 759 master cases ng “MODERN” cigarettes na umano’y walang BIR tax stamps. Kabilang dito ang 329 cases na red pack at 430 cases na blue pack. Tinatayang nasa ₱48 milyon at ₱955,000 ang market value ng mga nakumpiskang sigarilyo.

Samantala, mahigit isang linggo munang nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad bago ang operasyon. Kasama rito ang Regional Special Operations Group, Regional Intelligence Division 3, Mabalacat police, at CIDG.

Bukod sa sigarilyo, nakumpiska rin ang Isuzu GIGA wing van at tatlong cellular phones. Pagkatapos ay dinala na ang mga suspek at ebidensya sa RSOG-RID3 para sa documentation at proper disposition.

Patuloy ding nakikipag-coordinate ang pulisya sa mga concerned government agencies para sa imbestigasyon. Layunin ng mga awtoridad na matukoy ang posibleng violations at mapigilan ang pagpasok ng ilegal na produkto sa merkado.