Animal Rescue ang naging misyon ni Chie Dayday, founder ng Whelps Animal Care and Rehabilitation Center sa Nueva Ecija.
Para kay Dayday, hindi kailangang maging animal lover ang isang tao para makatulong, kung hindi kayang mag-ampon, maaaring hayaan na lamang ang mga hayop na mabuhay.
ANIMAL RESCUE, NAGSIMULA NOONG 2019
Nagsimula ang Whelps noong July 2019, matapos maging donor ni Dayday sa mga rescuer at animal shelters.
Bilang registered nurse, nais niyang gamitin ang kanyang kaalaman upang mas makatulong sa mga hayop.
Nagsimula ang shelter sa 10 hanggang 15 hayop at sa kasalukuyan, nasa 70 aso at 16 na pusa ang kanilang inaalagaan.
Gayunman, 50 rescue dogs lamang ang kanilang itinakdang limitasyon dahil malaking bahagi ng operasyon ang pagkain, gamot at veterinary care.
ANIMAL RESCUE, MAY MALALAKING HAMON
Kabilang sa kanilang mga rescue operation ang Batangas, Cavite, Pangasinan at Nueva Ecija.
Isa sa pinakamalaking operasyon nila ang isinagawa matapos ang pagputok ng Taal Volcano noong March 2020.
Humigit-kumulang 100 aso ang kanilang tinulungan sa naturang operasyon.
Ayon kay Dayday, kabilang sa pinakamabigat na hamon sa pagiging animal rescuer ang kakulangan sa pondo.
Mahirap din umano ang emosyonal na epekto ng pagkawala ng mga hayop. Sa bawat rescue, kailangan ding paghandaan ang pagkain, gamot at pangmatagalang pangangalaga.
ANIMAL RESCUE, PATULOY SA BAGONG PASILIDAD
Kasalukuyang nakabase ang Whelps sa San Leonardo, Nueva Ecija. Lumipat ang grupo sa lugar noong Marso matapos makaranas ng problema sa dating lokasyon.
Patuloy naman ang paggawa ng kanilang bagong pasilidad at limang tao lamang ang kasalukuyang tumutulong sa operasyon ng animal care.
Umaasa ang grupo sa in-kind donations tulad ng pagkain, gamot at vitamins para sa mga rescued dog at cats.
Maaari rin aniyang tumulong ang publiko sa pamamagitan ng sponsorship at volunteer work, at sa pagbabahagi ng adoption posts online.
DAYDAY: “HINDI MAN MAHALIN, HUWAG SAKTAN”
Para kay Dayday, mahalaga ang pagbibigay ng second chance sa mga rescued animals. Kasama rito ang pagtulong sa mga hayop na muling matutong magtiwala.
Hindi rin kailangang iuwi agad ang isang stray animal upang makatulong. Maaari itong bigyan ng pagkain at tubig habang nasa lansangan.
Sa huli, simple ang panawagan ni Dayday sa publiko, Kung hindi kayang tulungan ang mga hayop, huwag na lamang silang saktan.
Hayaan silang mabuhay at maghanap ng paraan upang makaraos sa araw-araw.
Sa mga nagnanais magpadala ng donasyon o tulong, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang Facebook page na Whelps Animal Care and Rehabilitation Center.

