KALIGTASAN NG BAWAT MAMAMAYAN, PRAYORIDAD NI PBBM; MGA AHENSIYA NG GOBYERNO, INATASANG TIYAKIN NA MAKATATANGGAP NG BABALA ANG PUBLIKO TUWING MAY KALAMIDAD
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na tiyakin na makatatanggap ng agarang warning o babala ang mga mamamayan sa tuwing may kalamidad sa bansa.
Inilabas ni Marcos ang direktiba nitong Martes sa isang sectoral meeting tungkol sa paghahanda para sa La Nina phenomenon sa Malacanang.
Binigayang-diin ng pangulo na mas prayoridad ng pamahalaan na panatilihin ang kaligtasan ng mga Pilipino kapag may paparating na bagyo.
Kaya naman kanyang hiniling sa mga ahensiya na bigyan ang publiko ng malinaw na impormasyon at gabay tulad ng kung saan ang lokasyon ng mga evacuation center at emergency hotline numbers.
Inihayag din ni PBBM na commited ang pamahalaan sa paggamit ng makabagong teknolohiya para maprotektahan ang buhay ng bawat mamamayan sa hinaharap.
Kaugnay ito sa pananalasa ng Super Typhoon Carina na pinalakas ng Hanging Habagat sa ilang bahagi ng bansa na nagdulot na malakas na pag-ulan at matinding pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Samantala, ayon sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, nasa mahigit 1.4 milyong pamilya o limang milyong indibidwal ang naapektuhan ng pinagsamang Bagyong Carina at Butchoy. Habang nasa 39 na katao naman ang nasawi sa nasabing dalawang bagyo.

