Nasagip na ang kambal na sanggol na umano’y ibinenta ng kanilang sariling ina sa halagang ₱30,000 sa Candaba, Pampanga.

Ligtas na narekober ng mga awtoridad ang walong-buwang gulang na kambal na lalaki noong Oktubre 25, 2026, bandang alas-3:45 ng hapon.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang insidente noong Agosto 10, nang kunin ng 24-anyos na ina ang mga sanggol mula sa kanilang lola matapos ang pagtatalo sa pamilya.

Sa parehong buwan, ibinenta umano ng ina ang kambal sa isang babaeng nakilala niya sa Facebook.

Noong Agosto 13, nalaman ng lola ang nangyari kaya humingi siya ng tulong sa pulisya ng Taguig.

Noong Oktubre 19, natunton at naaresto sa San Luis, Aurora ang 32-anyos na babaeng bumili umano sa kambal.

Dito nalaman ng mga awtoridad na muling ipinagbili ang mga bata sa live-in partner sa Pampanga.

Noong Oktubre 21, sinampahan ng reklamo ang unang suspek dahil sa umano’y paglabag sa batas laban sa human trafficking at child abuse.

Pagsapit ng Oktubre 24, nagsagawa ng paghahanap at surveillance ang pulisya kasama ang mga social worker sa Candaba.

Kinabukasan, matagumpay na nasagip ang kambal at naaresto rin ang dalawang indibidwal na huli umanong bumili at kumupkop sa kanila.

Sa ngayon, nasa ilalim na ng protective care ng Taguig City Social Welfare and Development Office ang kambal.

Habang patuloy naman ang proseso ng kaso laban sa mga suspek.