Bumaba ang presyo ng sariwang karneng baboy sa Talipapa Market sa Barangay Mayapyap Sur, Cabanatuan City.
Ayon kay Gemma Ramirez ng Gemma’s Meat Store, nagsimula ang pagbaba ng presyo noong month of August at nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang sa mga sinasabing dahilan ng pagbaba ng presyo ang napapabalitang sakit sa mga baboy, sobrang suplay at maulang panahon.
Sa kanilang puwesto, nasa P180 hanggang P120 kada kilo ang presyo ng karneng baboy, depende sa bahagi.
P180 kada kilo ang laman, pork chop at liempo.
P160 naman kada kilo ang buto-buto at ribs, habang P150 ang pata.
Pinakamababa naman ang presyo ng ulo ng baboy na nasa P120 lamang ang kada kilo.
Sa kabila ng pagbaba ng presyo, sinabi ni Ramirez na mas naging mabili ang kanilang paninda dahil mas dumami ang mga mamimili.
Nilinaw naman ni Ramirez na ligtas kainin ang kanilang ibinebentang karne ng baboy.
Dahil dito, inaanyayahan niya ang mga mamimili na samantalahin ang mababang presyo ng karneng baboy na kanilang ibinebenta sa Talipapa Market.

