Kinumpirma ng Tarlac II Electric Cooperative (TARELCO II) na 65 accounts ang nahuling lumabag sa batas matapos ang imbestigasyon dahil sa pagtaas ng system loss sa Concepcion, Tarlac.
Kabilang sa mga nakitang paglabag ang sira-sirang meter seal, tampered meter, at pagkabit ng resistor para makadaya sa kuryente.
Dahil dito, pinatawan ng multa ang mga nagkasala at umabot na sa P4,716,172.61 ang kabuuang halagang nakolekta ng kooperatiba.
TARELCO II, BUMUO NG TASK FORCE KONTRA SA PAGNANAKAW
Bumuo na rin ang TARELCO II ng Task Force at Special Operations Group upang masuyod at mahuli ang mga nagnanakaw ng kuryente.
Magbibigay rin sila ng pabuya sa mga magsusumbong at mananatiling confidential ang pagkakakilanlan ng bawat isang informant.
Muling nagpaalala ang kooperatiba sa lahat ng consumers na huwag galawin o palitan ang anumang bahagi ng kanilang metro.
CONCEPCION MAYOR AT SB MEMBER, MAY PAHAYAG TUNGKOL SA TARELCO II ISSUE
Samantala, matapos ang alegasyon ng pagkakasangkot ay naglabas ng pahayag si Concepcion Sangguniang Bayan Member Jayson Lagman at sinabing walang nakitang jumper sa kanyang bahay.
Gayunpaman, natuklasang natanggal ang meter seal sa kanyang metro kaya patuloy na humihiling ang publiko ng opisyal na dokumento mula sa kooperatiba.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Concepcion Mayor Noel Villanueva na kailangang sundin ang due process at ang Provincial Board ang may saklaw sa pagdidisiplina sa mga sangkot na elected officials.
Sa kanyang pahayag sa Facebook, sinabi ng alkalde na nakatutok siya sa tamang proseso at nakahandang makipagtulungan ang munisipyo sa anumang imbestigasyon ng kooperatiba.
MGA GUMAGAMIT NG ILEGAL NA KURYENTE, DIRETSO NA SA KORTE PAGSAPIT NG OKTUBRE
Samantala, may inilabas na amnesty program ang TARELCO II hanggang September 30, 2026 para sa mga gustong magkusa at magsurrender ng metro.
Ngunit pagpasok ng October 1, 2026, ididiretso na umano sa korte at kakasuhan ang sinumang mahuhuling gumagamit ng illegal na kuryente.
Nangako ang lokal na pamahalaan at TARELCO II na gagawin nila ang lahat para maging patas at tama ang singil sa lahat ng kanilang konsyumer.

