Makatarungang living wage at hindi ‘libing wage’ ang sigaw ng mga grupo ng manggagawa.

Ito’y matapos magsumite ng petisyon ang Alyansa ng mga Manggagawa sa Bataan at Freeport Workers League sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board III (RTWPB-3).

Ayon sa pahayag ni labor representative Moc Avellanoza, hindi na kasya ang kinikita ng mga manggagawa para sa pang-araw-araw na mga gastusin.

Maliban sa pagtaas ng minimum wage sa Central Luzon, hiniling ng grupo na isali ang mga manggagawa sa bukid at sa iba pang sektor.

Kaya naman, nanawagan sila sa RTWPB-3 na aksyunan kaagad ang kanilang petisyon.

Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na sahod sa Central Luzon sa ilalim ng Wage Order No. RBIII-26 ay umabot lamang sa halagang P600.

Gayunpaman, ayon sa IBON Foundation, kailangan ng mga pamilya ang P1,246 araw-araw upang mabuhay nang maayos.

Dahil dito, may malaking agwat sa pagitan ng kasalukuyang sahod at ng tunay na gastusin ng pamilya.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang halaga ng piso sa P0.71 kumpara noong taong 2018.

Dahil dito, ang P600 na sahod ngayon ay katumbas na lang ng humigit-kumulang P426 noon.

Binigyang-diin din kamakailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakadepende ang opisyal na wage adjustments sa lokal na kondisyon ng ekonomiya at sa kakayahan ng mga employer na magpasahod.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa ng RTWPB-3 ang buong sitwasyon bago magbaba ng opisyal na desisyon.