Babala! Sensitibong Balita:
Inaresto ang isang pulis sa Tarlac matapos umanong magpaputok ng baril sa gitna ng away sa lupa ng kanilang pamilya. Naganap ang insidente bandang alas-11:50 ng gabi noong Setyembre 22 sa Victoria, Tarlac.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 3, 26-anyos na Patrolman ang suspek. Nakatalaga siya sa Angeles City Police Station sa Pampanga.
LASING NA PULIS SA TARLAC, NAKIPAGTALO SA AMA DAHIL SA LUPA
Ayon sa paunang imbestigasyon, galing umano sa inuman ang pulis bago ang insidente. Pag-uwi nito, nagkaroon umano sila ng matinding pagtatalo ng kanyang ama. May kaugnayan umano ang alitan sa pagmamay-ari ng lupa ng kanilang pamilya.
Sa gitna ng pagtatalo, binunot umano ng pulis ang kanyang service firearm. Nagpaputok umano siya ng isang beses sa ere habang nasa Rigor Compound. Naganap ito sa Barangay San Nicolas, Victoria.
Dahil dito, naalarma ang mga kapitbahay at agad humingi ng tulong sa pulisya. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Victoria Municipal Police Station.
Kasunod nito, inaresto ang patrolman at narekober ang kanyang service firearm. Nakuha rin ang isang basyo ng bala mula sa lugar ng insidente.
Hanggang isinusulat ang balitang ito nasa kustodiya ng Victoria Municipal Police Station ang suspek.
Samantala, sinabi ni Police Brigadier General Jess B. Mendez, direktor ng PRO3, na walang sinuman ang higit sa batas. Ayon sa kanya, mananagot ang pulis kung mapatutunayang may paglabag sa batas o patakaran.

