Library sa Merkado ang matatagpuan sa Iloilo Central Public Market, na hindi lamang pamilihan matapos itong buksan bilang reading space.
Layunin nitong ilapit ang mga aklat sa mga mamimili, vendor at kanilang mga anak.
Matatagpuan ito sa ikalawang palapag ng palengke, na may koleksiyon ng mga aklat para sa mga bata, classic literature at textbook.
Mayroon ding ilang aklat na may multiple copies o maraming kopya upang mas maraming mambabasa ang maaaring makinabang.
LIBRARY SA MERKADO, BUKAS PARA SA MGA MAMIMILI
Pormal itong binuksan noong Agosto 28 at kasalukuyang bukas mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Pinag-aaralan din ang pagbubukas nito tuwing weekend.
Layunin ng inisyatiba na magkaroon ng lugar na maaaring puntahan ng mga batang kasama ng kanilang mga magulang sa pamamalengke.
Maaari rin itong gamitin ng mga vendor at iba pang marketgoers bilang lugar para magbasa at matuto.
LIBRARY SA MERKADO, SAGOT SA HAMON SA PAGBASA
Inilunsad ang library sa gitna ng patuloy na hamon sa reading proficiency ng mga mag-aaral sa bansa.
Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education, 40 porsyento ng mga mag-aaral ang nahihirapan sa pagbasa.
Saklaw nito ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10 na naitala sa simula ng School Year 2025–2026.
Ayon naman sa World Bank, 91 porsyento ng mga batang Pilipino ang hindi bihasa sa pagbasa, batay sa datos noong 2019 na inilabas noong 2022.
Saklaw nito ang mga batang nasa huling baitang ng mababang paaralan.
LIBRARY SA MERKADO, DAGDAG SA MGA LUGAR PARA SA PAGBABASA
Bahagi ang Library sa Merkado ng lumalawak na network ng public reading spaces sa Iloilo City, na kinabibilangan ng dalawang district libraries, walong barangay reading centers at apat na outdoor libraries sa mga plaza.
Bahagi ang Library sa Merkado ng lumalawak na reading spaces sa Iloilo City, Kabilang dito ang dalawang pampook na aklatan.
Mayroon ding walong sentro ng pagbabasa sa mga barangay at apat na aklatan sa mga liwasan ng lungsod.
Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan ng Iloilo City Government at Zonta Club of Iloilo City Inc., katuwang ang Technical Institute of Iloilo City.
Sa pagbubukas ng bagong aklatan, isinagawa ang isang kuwentuhan o storytelling activity para sa mga batang nasa daycare.
Ito ay bilang bahagi ng layunin nitong mahikayat ang mga bata na mas maging pamilyar at interesado sa pagbabasa.

