Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12325 na nag-aamyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, upang palawakin ang tulong pinansyal para sa mga estudyanteng kumukuha ng kolehiyo at technical-vocational programs.

Sa ilalim ng amended law, pinalawak ang Tertiary Education Subsidy o TES upang masaklaw ang mga gastusin para sa internship at iba pang kinakailangang learning experiences, professional licensure, at allowance para sa mga estudyanteng may kapansanan.

Bibigyang-prayoridad din ang mga estudyanteng mula sa mahihirap at disadvantaged na pamilya, kabilang ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Maaari ring makatanggap ng tulong ang mahihirap at kwalipikadong estudyanteng kumukuha ng priority programs ngunit hindi saklaw ng umiiral na mga grant, kabilang ang pag-aaral sa mga kwalipikadong pribadong higher education at technical-vocational institutions.

Maaari ring madagdagan ng isang taon ang panahon ng pagkumpleto sa pag-aaral kung may makatuwirang dahilan.

Inaatasan naman ang UniFAST Board na repasuhin at i-adjust ang halaga ng TES kada dalawang taon upang matugunan ang epekto ng inflation at pagtaas ng gastusin sa edukasyon.

Samantala, umabot sa 2.6 milyon ang mga benepisyaryo ng Free Higher Education sa unang semestre ng kasalukuyang academic year, mula sa dalawang milyon, ayon kay Marcos.

Sa ilalim ng mga amyenda, pinalawak din ang pagkakataon para sa mga kwalipikadong Pilipino na makakuha ng degree, diploma o skills qualification sa tertiary at technical-vocational education.

Inatasan ang Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), UniFAST at iba pang kaukulang ahensya na tapusin ang implementing rules and regulations para sa pagpapatupad ng amended law.